Pamamaga ng Mata Dulot ng Virus

Kung minsan, tinatawag na pink eye ang pamamaga ng mata dulot ng virus. Pangkaraniwang impeksiyon ito sa mata at lubhang nakakahawa. Naikakalat ang impeksiyon na ito sa paghawak sa matang may impeksiyon at pagkatapos ay hahawak sa isa pang tao. Maaari din itong maikalat mula sa isang mata tungo sa isa pa sa parehong paraan. Kabilang sa mga pinakakaraniwang sintomas ang pamumula, pagluluha, pamamaga ng mga talukap, at maaligasgas o makating pakiramdam sa mata.
Karaniwang tumatagal ang kondisyong ito nang 7 hanggang 10 araw bago mawala. Kadalasang inirerekomenda ang artipisyal na luha para basain at linisin ang mga mata. Mabibili ang produktong ito nang walang reseta. Kadalasang hindi inirerekomenda ang antibiotic na pampatak sa mata dahil hindi nito pinapatay ang mga virus. May mga pagkakataong maaaring ireseta ng mga tagapangalaga ng kalusugan ang mga antibiotic para maiwasan ang pangalawang impeksiyon ng bakterya.
Pangangalaga sa tahanan
-
Maglagay sa apektadong mata ng isang malinis na tuwalyang ibinabad sa malamig na tubig, 3 hanggang 4 na beses sa isang araw (bago maglagay ng gamot sa mata).
-
Pangkaraniwan na magkaroon ng pagtagas ng mucus sa gabi, dahilan para maglangib ang mga talukap pagsapit ng umaga. Gumamit ng malinis, maligamgam at basang tela para punasan ito nang dahan-dahan.
-
Hugasan ang anumang telang ginamit para linisin ang mata pagkatapos gamitin nang 1 beses. Huwag itong gamiting muli.
-
Kung nagsusuot ka ng mga contact lens, huwag gamitin ang mga ito hanggang sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na puwede na. Kapag bumalik ka na sa paggamit nito, gumamit ng mga bagong lens.
-
Kung ireseta ang mga antibiotic na gamot, inumin ang mga ito ayon sa itinagubilin. Huwag ihinto ang pag-inom nito hanggang sa sabihin sa iyo.
-
Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen, upang makontrol ang pananakit, malibang ipinayo ang ibang gamot. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka na ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng pantunaw. Hindi dapat gamitin ang aspirin ng sinumang may sakit na wala pang edad na 18 taon. Ito ay para maiwasan ang malubhang sakit na tinatawag na Reye syndrome. Maaari itong magdulot ng malalang pinsala sa atay o pinsala sa utak.
-
Hugasan ang iyong mga kamay bago at pagkatapos hawakan ang apektadong mata. Tumutulong itong maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon sa iyong kabilang mata at sa iba pang tao.
-
Hindi dapat magpahiram ng tuwalya, bimpo, at pansapin sa kama ang nahawang tao sa ibang tao. Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon.
-
Nakahahawa ang sakit na ito sa unang linggo. Dapat ilayo ang mga batang may ganitong sakit sa day care at paaralan hanggang sa mawala ang pamumula.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Lumulubha ang paningin
-
Lumulubha ang pananakit ng mata
-
Lumulubha ang pamamaga o pamumula ng mga talukap
-
Kumakalat ang pamumula sa balat sa palibot ng mata
-
Maraming berde o dilaw na langib at tagas mula sa mata
-
Matinding pangangati sa mata o sa palibot nito
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o katulad ng itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
Online Medical Reviewer:
Chris Haupert MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Tara Novick BSN MSN
Date Last Reviewed:
6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.