Hives (Adulto)
Mga kulay rosas o pulang bukol sa balat ang hives. Kilala rin ang mga bukol na ito bilang wheals. Maaaring mangati, mapaso, o sumakit ang mga bukol. Maaaring mangyari ang hives saanmang bahagi ng katawan. Iba-iba ang laki at hugis ng mga ito at maaaring magkumpol-kumpol. Maaaring lumitaw at mabilis na mawala ang mga paisa-isang hives. Maaaring mabuo ang mga bagong hives habang kumukupas ang mga dati na. Karaniwan ang hives at kadalasang hindi mapanganib. Hindi nakakahawa ang mga ito. Paminsan-minsan, palatandaan ang hives ng isang malubhang allergy.
Maaaring sanhi ng isang reaksyon sa allergy ang hives. Maaari magmula ang mga ito sa:
-
Mga tiyak na pagkain, tulad ng kabibi, mga mani, kamatis, o berry
-
Pagdikit sa isang bagay sa paligid, tulad ng mga pollen, hayop, o amag
-
Mga tiyak na gamot
-
Araw o malamig na hangin
-
Mga impeksiyong mula sa virus, tulad ng sipon, ang trangkaso, o masakit na lalamunan
Kung patuloy na sumulpot at mawala ang hives sa loob ng maraming linggo nang walang anumang ibang sintomas (pangmatagalang hives), maaaring mahirap matukoy ang sanhi.
Maaari kang resetahan ng mga gamot upang maibsan ang pamamaga at pangangati. Sundin ang lahat ng tagubilin kapag ginagamit ang mga gamot na ito. Kadalasang huhupa sa loob ng ilang araw ang hives. Ngunit maaaring tumagal ang mga ito ng ilang linggo o buwan.
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga payo na ito:
-
Subukang hanapin ang sanhi ng hives at alisin ito. Talakayin ang mga posibleng sanhi sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring hingin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na subaybayan ang pagkaing iyong kinakain at ang iyong pamumuhay upang makatulong na mahanap ang sanhi ng hives.
-
Huwag kamutin ang hives. Maaantala ng pagkamot ang paggaling. Upang mabawasan ang pangangati, maglagay ng malalamig, basang compress sa balat.
-
Magsuot ng malambat, maluwag na damit na gawa sa bulak.
-
Huwag maligo ng mainit na tubig. Maaari nitong palalain ang pangangati.
-
Maglagay ng ice pack o malamig na pack na nakabalot sa isang manipis na tuwalya sa iyong balat. Makatutulong itong mabawasan ang pamumula at pangangati. Ngunit kung naidulot ang iyong hives ng pagkalantad sa lamig, huwag maglagay ng dagdag na lamig sa mga ito.
-
Maaari kang gumamit ng mga over-the counter na antihistamine upang mabawasan ang pangangati. Mura ang ilang mas lumang antihistamine, tulad ng diphenhydramine at chlorpheniramine. Ngunit kailangang madalas inumin ang mga ito at maaari kang antukin. Pinakamainam gamitin ang mga ito bago matulog. Huwag gumamit ng diphenhydramine kung mayroon kang glaucoma o nahihirapan sa pag-ihi dahil sa isang lumaking prostate. Mas mahal sa pangkalahatan ang mga mas bagong antihistamine, tulad ng loratadine, cetirizine, levocetirizine, at fexofenadine. Ngunit may posibilidad na mas kaunti ang masasamang epekto ng mga ito. Maaaring inumin ang mga ito nang mas madalang.
-
Ginigamit ang isa pang uri ng antihistamine upang lunasan ang heartburn. Kabilang sa uring ito ang nizatidine, famotidine, at cimetidine. Ginagamit kung minsan ang mga ito kasabay ng mga nabanggit na antihistamine kung hindi gumagana ang isang isahang gamot.
-
Kung malubha ang hives at hindi ka tumutugon nang maayos sa iba pang gamot, maaari kang bigyan ng isang steroid, tulad ng prednisone, upang inumin sa maikling panahon. Maingat na sundin ang lahat ng tagubilin kapag iniinom ang gamot na ito. Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa anumang masasamang epekto.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung hindi gumaling ang iyong mga sintomas sa loob ng 2 araw. Itanong sa iyong tagapangalaga ang tungkol sa pagsusuri ng allergy kung nagkaroon ka ng matinding reaksyon o nagkaroon ng ilang episodyo ng hives. Maaaring makatulong ang pagsusuri sa allergy na matuklasan kung sa anong bagay ka may allergy. Maaaring kailanganin mo ang mga pagsusuri sa dugo, pagsusuri ng ihi, o mga pagsusuri ng balat.
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Lagnat na 100.4°F (38.0°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo
-
Pamumula, pamamaga, o pananakit
-
Mabahong likidong nagmumula sa pantal
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Pamamaga ng mukha, lalamunan, o dila
-
Hirap huminga o lumunok
-
Pagkahilo, panghihina o pagkahimatay
-
Hindi tumitigil na pag-ubo
Online Medical Reviewer:
Daphne Pierce-Smith RN MSN
Online Medical Reviewer:
Deborah Pedersen MD
Online Medical Reviewer:
Raymond Turley Jr PA-C
Date Last Reviewed:
3/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.