Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Sinusitis (Walang Antibayotiko)

Ilustrasyon ng mukha na nagpapakita ng mga magang sinus.

Ang mga sinus ay mga espasyo na puno ng hangin sa mga buto ng mukha. Nakakonekta ang mga ito sa loob ng ilong. Ang sinusitis ay pamumula at pamamaga (inflammation) ng nakapaligid na tisyu sa puwang ng sinus. Maaari itong mangyari tuwing may sipon. Ito ay maaari ding dahil sa mga allergy sa pollen at iba pang maliliit na bagay na nasa hangin. Maaari itong magdulot ng mga sintomas, tulad ng paninikip ng sinus, pananakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, pamamaga ng mukha, at pakiramdam na busog. Maaari din itong magdulot ng mababang gradong lagnat (low-grade fever). Ang uring ito ng sinusiteis ay hindi sanhi ng isang impeksiyon ng bakterya. Kaya hindi ginagamit ang mga antibayotiko upang gamutin ito.

Pangangalaga sa tahanan

  • Uminom ng maraming tubig, mainit na tsaa, at iba pang likido ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng kalusugan. Maaari itong makatulong na palabnawin ang sipon. Maaari din nitong pagbutihin ang paglabas ng mga likido na nasa sinus.

  • Ang init ay maaaring makatulong na paginhawahin ang pananakit ng mga bahagi ng mukha. Gumamit ng tuwalya na nakababad sa mainit na tubig. O, tumayo sa shower at idirekta ang mainit na spray sa iyong mukha. Ang paggamit ng isang vaporizer at pagpahid ng menthol sa gabi ay maaari ding makatulong na mapawi ang mga sintomas. 

  • Ang mga gamot na nagtataguyod ng pagdura (expectorant) na naglalaman ng guaifenesin ay makakatulong na palabnawin ang mucus at itaguyod ang pagpapalabas ng mga likido mula sa sinus. Kung mayroon kang anumang tanong tungkol sa gamot na nabibili nang waang reseta o mga epekto nito, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o pharmacist bago ito inumin.

  • Maaari kang gumamit ng mga decongestant na nabibili nang walang reseta, maliban kung niresetahan ka ng kaparehong gamot. Pinakamabilis na gumagana ang mga nasal spray. Gumamit ng isa na may phenylephrine o oxymetazoline. Ngunit gamitin lang ito sa loob ng kabuuang 3 araw. Una, marahang suminga. Pagkatapos ay gamitin ang spray. Huwag gamitin ang mga gamot na ito nang mas madalas kaysa sa itinagubilin sa etiketa. Kung gagawin iyon, maaaring lumalala ang mga sintomas. Maaari ka ring gumamit ng mga tableta na may pseudoephedrine sa loob ng hanggang 7 araw. Iwasan ang mga produkto na pinagsasama ang mga sangkap. Maaari nitong dagdagan ang masasamang epekto. Basahin ang lahat ng etiketa ng gamot. Maaari ka ring humingi ng tulong sa parmasyotiko. (Ang mga taong may mataas na presyon sa dugo ay hindi dapat gumamit ng mga decongestant. Maaari nitong pataasin ang presyon ng dugo.)

  • Kung ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan, maaaring makatulong ang mga antihistamine o steroid nasal spray na nabibili nang walang reseta kung mga allergy ang sanhi ng iyong sinusitis.

  • Gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang pananakit, maliban na lamang kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Kung ikaw ay may pangmatagalang (hindi gumagaling) sakit sa atay o kidney, o nagkaroon ng ulcer sa sikmura, makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago gamitin ang mga gamot na ito. Hindi dapat gamitin ang aspirin sa sinumang wala pa sa edad 19 maliban kung itinagubilin ng tagapangalaga. Puwede itong humantong sa panganib ng Reye syndrome. Bihira ito ngunit napakaseryosong karamdaman na kadalasang nakakaapekto sa utak at atay.

  • Gamitin ang mga pangbanlaw sa ilong o irigasyon na may tubig-dagat ayon sa tagubilin ng iyong tagapangalaga.

  • Huwag manigarilyo. Maaari nitong palalain ang mga sintomas.

Follow-up na pangangalaga

Bumalik sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung hindi ka gumagaling sa loob ng 1 linggo.

Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Berde o dilaw na likidong lumalabas mula sa iyong ilong o papasok sa iyong lalamunan

  • Pananakit sa mukha o ulo na lumalala

  • Paninigas ng leeg

  • Pamamaga ng noo o talukap ng mga mata

  • Problema sa paningin kabilang ang panlalabo ng paningin o pagkaduling

  • Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga

  • Mga sintomas na hindi nawawala sa loob ng 10 araw o lumulubha pagkatapos magsimulang gumaling

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:

  • Kumbulsyon

  • Hirap sa paghinga

  • Hindi pangkaraniwang pagkaantok o pagkalito

  • Pakiramdam na nahihilo o nahihimatay

  • Nagkukulay asul, lila, o abo ang mga kuko ng daliri, balat, o mga labi

Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Sumana Jothi MD
Date Last Reviewed: 12/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer